Sino ang mga anak ng Diyos?
Kabilang ka na ba sa mga anak ng Diyos? Kung hindi pa, nasain mong matamo ang dakilang kaloob at pagpapalang ito ng Diyos!
Sinulat ni GREG F. NONATO
ANG KARANIWANG PANINIWALA ng marami, lahat ng tao ay mga anak ng Diyos dahil silang lahat ay Kaniyang nilalang. Ngunit ang hindi nila alam, nang magkasala ang mga tao ay itinakwil sila ng Diyos bilang mga anak Niya. Ganito ang pahayag ng Biblia:
“Sila’y nagpakasama. Dahil dito’y di na sila marapat tawaging anak, Isang lahing tampalasan at balakyot.” (Deut. 32:5 Magandang Balita Biblia)
Hindi lamang nawala ang kanilang karapatan sa pagiging anak ng Diyos, kundi sila ay itinuring din ng Diyos na Kaniyang mga kaaway:
“At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.” (Col. 1:21)
Dahil sa ang mga tao ay naging kaaway ng Diyos, sila ay nakatakdang parusahan sa Araw ng Paghuhukom:
“Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” (Heb. 10:27)
Upang maging anak ng Diyos
Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinuman sapagkat bagaman ang mga tao ay itinakwil ng Diyos bilang Kaniyang mga anak, ay nagbigay naman Siya ng pagkakataon upang sila ay muling magkaroon ng karapatang maging mga anak Niya:
“Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.” (Juan 1:12)
Upang ang tao ay muling magkaroon ng karapatan na maging anak ng Diyos, dapat niyang tanggapin at sampalatayanan ang pangalan ng Panginoong Jesucristo.
Sa kasalukuyan, maraming tagapangaral, lalo na ang mga pangkatin na tinatawag na Evangelicals o Protestante na bagama’t tamang ipagdiinan na, “Tanggapin si Jesus!” o “Sampalatayanan si Jesus” ay sapat na raw ito upang ang tao ay pagkalooban ng karapatang maging anak ng Diyos.
Dahil dito, mahalagang suriin natin sa pamamagitan ng aral Mismo ni Jesus kung sino ang kinikilala Niya na tunay na sumasampalataya sa Kaniya upang malaman natin kung sino ang naging mga anak ng Diyos. Ganito ang Kaniyang pahayag:
“Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa.” (Juan 10:26)
Ayon sa Panginoong Jesucristo, kung hindi kabilang sa Kaniyang mga tupa ay hindi tunay na sumasampalataya. Paano makikilala ang mga taong kabilang sa Kaniyang mga tupa? Ganito ang patuloy Niyang pagtuturo:
“Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.” (Juan 10:27)
Ang mga taong nakikinig at sumusunod sa mga salita ni Jesus ang kinikilala lamang Niya na Kaniyang mga tupa. Alin ang sinalita ni Jesus na sinunod ng mga taong kabilang sa Kaniyang mga tupa?
“Kaya’t muling sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. … Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. …”
(Juan 10:7, 9 MB)
Sinabi ni Jesus na Siya ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga taong pumasok sa Kaniya ang kinikilala Niyang kabilang sa mga tupa Niya. Saan napaloob ang mga tupang pumasok kay Jesus?
“I am the door; anyone who comes into the fold through me shall be safe. … [Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas. …]” (Juan 10:9 New English Bible)
Ang mga pumasok kay Jesus ay kabilang sa kawan ng mga tupa. Ang kawan ng mga tupa ay tinawag ni Apostol Pablo na Iglesia ni Cristo:
“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood. [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.]” (Gawa 20:28 Lamsa Translation)
Maliwanag, kung gayon, na ang mga pumasok o umanib sa Iglesia Ni Cristo ay nakinig at sumunod sa salita ni Cristo. At dahil sa sila ang kinikilala ni Cristo na Kaniyang mga tupa na tumanggap at sumampalataya sa Kaniya, sila ang nagtamo ng karapatang maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Sa kabilang dako, hindi tunay na sumasampalataya ang mga taong ayaw dinggin at sundin ang sinabi ni Jesus na pumasok sa Kaniya sa loob ng Iglesia Ni Cristo at hindi rin sila tunay na mga anak ng Diyos.
Hindi sapat na sabihin lamang ng tao na tinanggap at sinasampalatayanan niya si Jesus. Dapat din siyang pumasok kay Cristo sa paraang mapaloob siya sa Iglesia Ni Cristo. Sa gayong paraan niya matatamo ang karapatan bilang anak ng Diyos.
Ang pangakong mamanahin ng mga anak ng Diyos
Ang pagiging anak ng Diyos ay malaking pag-ibig at pagpapalang ipinagkaloob sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo:
“Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Dios; at tayo’y gayon nga. Dahil dito’y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka’t siya’y hindi nakilala nito.” (I Juan 3:1)
Bakit ang karapatan sa pagiging anak ng Diyos ay dapat ituring na malaking pag-ibig at pagpapalang kaloob Niya? Sapagkat ayon kay Apostol Pablo:
“Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios: At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.” (Roma 8:16-17)
Ang mga anak ng Diyos lamang ang tiyak na mga kasamang tagapagmana ni Cristo, subalit hindi ang lupang ito ang kanilang mamanahin kundi ang bagong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran:
“Nguni’t, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.” (II Ped. 3:13)
Sa Bayang Banal ay wala nang pagluha, wala nang hirap o panambitan man at hindi na magkakaroon ng kamatayan (Apoc. 21:1-4). Kailan tatamasahin ng mga anak ng Diyos ang maligayang buhay sa Bayang Banal? Sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo ayon sa pahayag ni Apostol Pablo:
“Sapagka’t ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesuscristo: Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa, upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.” (Filip. 3:20-21)
Itinuturing ng mga anak ng Diyos na ang kanilang pagkamamamayan ay hindi rito sa lupa kundi nasa langit. Matiyaga nilang hinihintay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus sapagkat nalalaman nila na sa araw na yaon ay babaguhin ang kanilang katawan na may kasiraan at may kamatayan at magiging katulad ng katawan ng Panginoon na maluwalhati, walang kasiraan at walang kamatayan (I Cor. 15:52-54). Ito ang dahilan kung bakit ang pagtatamo ng karapatan na maging anak ng Diyos ay isang napakadakilang kaloob at pagpapala na mula sa Kaniya.
Kabilang ka na ba sa mga anak ng Diyos? Kung hindi pa, nasain mong matamo ang dakilang kaloob at pagpapalang ito ng Diyos! Umanib ka sa tunay na Iglesia Ni Cristo.
Unang inilathala ang artikulong ito sa magasing Pasugo: God’s Message noong Setyembre 2013.