Sumasampalataya kami na ang nag-iisang tunay na Diyos ay ang Ama, ang Manlalalang. Tinitindigan namin ang paniniwalang ito dahil ito ang itinuro ng ating Panginoong Jesucristo at ng Kaniyang mga apostol (Juan 17:3, 1; I Cor. 8:6). Ang Diyos ay espiritu (Juan 4:24) kaya Siya’y walang laman at mga buto (Lucas 24:39).
Ang Diyos ay hindi Trinidad—walang tatlong persona. Bagaman itinuturo ng Biblia ang tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo, subalit hindi kailanman nito tinukoy na silang lahat ay mga diyos o kaya’y tatlong persona sa iisang Diyos; sa halip, itinuturo nito na ang Ama lamang ang nag-iisang tunay na Diyos. Binigyang diin mismo ng Anak na ang Ama ang iisang tunay na Diyos (Juan 17:3, 1) at Siya, ang Anak, ay taong nagsasabi ng katotohanang narinig Niya sa Diyos (Juan 8:40). Itinuro rin ng mga propeta na ang Ama lamang ang lumalang sa atin (Mal. 2:10; Isa. 64:8). Siya lamang ang Diyos at wala nang ibang Diyos ni mayroon mang gaya Niya (Isa. 46:9).
Ang Diyos ay walang pasimula at walang hanggan (Awit 90:2), walang kamatayan (I Tim. 1:17), at hindi nanlalata o napapagod man (Isa. 40:28).
Siya lamang ang lumalang ng langit, ng langit ng mga langit at lahat ng naroon, ng lupa at lahat ng naroon, at ng dagat at lahat ng naroon (Neh. 9:6).
News
Directory
Contact Us
Terms and Privacy Policy
© Copyright Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) 2024. All rights reserved.