Sumasampalataya ang Iglesia Ni Cristo na tanging ang Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Diyos (Mat. 3:17), ang ibinigay ng Diyos na Tagapagligtas (Gawa 13:23). Si Cristo ang iisang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao (I Tim. 2:5) at Siya lamang ang daan patungo sa Diyos (Juan 14:6).
Hindi namin tinatanggap ang paniniwalang si Cristo ay tao na, Diyos pa o taong Diyos. Siya ay tao sa likas na kalagayan ayon mismo sa Kaniyang sariling patotoo (Juan 8:40) at ayon sa pagtuturo ng Kaniyang mga apostol (I Tim. 2:5; Mat. 1:18).
Ang mga nangyayari sa tao ay nangyari kay Cristo. Siya ay nagutom (Mat. 4:2), nauhaw (Juan 19:28), nanlata o napagod (Juan 4:6), natulog (Mat. 8:24), at namatay (Mat. 27:50; I Cor. 15:3). Subalit bukod-tangi si Cristo sa lahat ng tao dahil Siya lamang ang hindi nagkasala (I Ped. 2:21-22; Heb. 4:15).
Siya ay pinadakila ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa (Filip. 2:9-11). Inilagay Siya ng Diyos sa kaibaibabawan ng lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at sa bawat pangalan na ipinangungusap, at ang lahat ng bagay ay pinasuko Niya sa ilalim ng Kaniyang mga paa (Efe. 1:21-22). Pagkatapos mapasuko ang lahat sa Kaniya, isusuko rin ni Cristo ang lahat ng Kaniyang kapangyarihan at kapamahalaan sa tunay na Diyos (I Cor. 15:27-28). Sa maraming pagkakataon ay ipinakilala Niya ang Kaniyang sarili bilang Anak ng Diyos at kailanma’y hindi Niya inangkin na Siya ay “Diyos” o kaya’y “Diyos Anak” sapagkat Siya ay tao at hindi Diyos.
News
Directory
Contact Us
Terms and Privacy Policy
© Copyright Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) 2024. All rights reserved.